Ang “Tara travel tayo” ay personal na blog na nagpapakita ng ibat-ibang paglalakbay ng isang grupo ng magkakaibigan na hangarin hindi lang ang pagbabakasyon kundi pati ang pagtuklas sa mga nakatagong kayamanan ng Pilipinas at ang kagandahan ng kapaligiran na dapat din nating pag-ingatan para masaksihan pa ng susunod na mga maglalakbay. Layunin din nito na makatulong sa ibang manlalakbay sa pamamagitan ng pagpapaskil ng mga “helpful tips” hinggil sa mga tuluyan, transportasyon, kultura ng isang lugar, masarap na pagkain, at iba pa.


Monday, April 28, 2008

Panganib na dulot ng “Global Warming”

Global warming? Ano nga ba ito? Bakit dapat tayong mabahala sa phenomenon na ito? Ano ba ang epekto nito sa atin at sa ating kapaligiran? Tayo ay dapat lamang na magkaroon ng kaalaman sa bagay na ito dahil napapanahon na ang pagkilos para matugunan ang suliraning ito.

Ang Global Warming ay ang pagtukoy sa pagbabago ng panahon kabilang na ang pagtaas ng temperature ng Atmospera ng mundo at ng mga karagatan. Ito ay matagal ng nangyayari sa ating mundo at hanggang ngayon patuloy pa rin ito sa paglala. Ayon sa mga Internasyonal na pagsasaliksik hinggil sa panahon, na ang temperatura ay patuloy na tataas mula 1.1 hanggang 6.4 sentigrado sa pagitan ng taong 1990 hanggang 2100. Maraming bagay ang dahilan ng pagtaas na ito. Nariyan ang “greenhouse effect” na may pinakamalaking epekto sa pagbabago ng temperature ng mundo. Ito ay ang pagtaas ng “greenhouse gas” na nakapagdudulot ng patuloy na pag-init ng bumabalot sa mundo at ng ibabang atmospera nito. Ito ay kinabibilangan ng mga gas na nangagaling sa mga pabrika, tambutso ng sasakyan, pagsusunog ng mga plastic at pagkakaingin. Nariyan rin ang ibang aspeto tulad ng pagiging sensitibo ng ating atmospera at ganon din ang pagiging aktibo ng mga bulkan.

Kapag nagpatuloy ang paglala ng “global warming”, maaari itong humantong sa pagkakaroon ng epekto sa ating klima, sa pagdalang ng pag-ulan, at mahahabang araw ng tag-init. Nariyan rin na magiging madalas na ang mga pagbabago sa panahon tulad ng baha, heat wave, el niño o tagtuyot, buhawi o maging ipo-ipo. Maaari rin itong makaapekto sa ating agrikultura na tila makakapagpahirap hindi lamang sa mga kapatid nating magsasaka kundi pati na rin sa atin na mga nakikinabang sa produktong pang-agrikultura. Gayon din ang pagiging “extinct” ng ilang mga piling hayop dahil na rin sa magiging pagbabago sa panahon. Maaari ring dumami at kumalat ang mga epidemya sa mundo. Malaki rin ang nagiging epekto nito sa ating karagatan dahil sa ang “Carbon Dioxide“ ay acid na nahihigop ng ating karagatan, sa paraang ito nagkakaroon ng reaksyon sa tubig ang asido na malaki ang nagiging epekto sa ating sa karagatan. Ayon na rin sa ilang pagsasaliksik ng mga dalubhasa sa panahon maraming mga bansa ang mabubura sa mapa kapag ito ay nagtuloy-tuloy. Dahil na rin sa mainit na panahon mabilis na matutunaw ang mga yelo sa mga karatig kontinente at tataas ang level ng mga yamang-tubig na maaaring bumura sa ilang mga bansa sa ating mundo. Dahil dito hindi malayong mapabilang ang ating bansang Pilipinas sa mga babahain dahil tayo ay napapaligiran ng mga yamang-tubig.

Maaari nating sugpuin ang bagay na ito kung tayo ay magkakaroon ng pagtutulungan sa ibat-ibang nasyon sa ating mundo. Sa mga simpleng paraan, tayong mga Pilipino ay maaari ding tumugon sa mga programang isinusulong para sugpuin ang “global warming”. Sa mga kababayan nating may mga sasakyan,

sana

ay ipalinis na nila ang mga tambutso ng sasakyan nila o dili kaya’y gumamit ng ibang alternatibong paraan para mabawasan ang “smoke belchers”. Kailangan din tayong magtanim ng maraming puno lalo na sa mga lungsod na hindi puro gusali na lamang ang nakikita sa mga lugar na ito. Dapat din na hindi tayo magsunog ng mga plastic sa ating mga bakuran, hanggat maaari ay magrecycle tayo para maiwasan ang pagsusunog.

Sana

rin ang mga kababayan nating nagmamay-ari ng mga pabrika ay panatilihin nilang malinis at huwag magbuga ng maiiitim na usok sa ating kalangitan.

Sana

rin ay mas lalong paigtingin at dagdagan ng ating pamahalaan ang mga programa para sugpuin ang suliraning ito. Maghigpit sa pagbabawal sa mga “smoke belchers” sa kalsada, paglulunsad ng maraming programa sa pagtatanim ng mga puno, at lalong palawigin ang mga programa sa pagre-recycle. Tayong mga simpleng mamamayan ay kaya itong pagtulong-tulungan para na rin ito sa atin at sa ating kapaligiran. Nais ba nating mawala ang mga likas na yaman hindi lang ng ating bansa kundi ng buong mundo. Paano na lang ang mga naggagandahang karagatan, kabundukan, kagubatan, mga hayop at halaman kung ito man ay magpapatuloy? Kakayanin ba natin na imbes sa magkulay berde ang kapaligiran ay maging mistulang itim na ito? Ang ibinigay sa atin ng Diyos na kagandahan ng ating mundo ay siya naman nating unti-unting sinisira. Hahayaan ba natin na dumating ang araw na pati ang bansa natin ay humantong sa malagim na epekto ng “global warming” na ito. Huwag naman

sana

!

Sana

minsan ay maitanong natin sa ating sarili kung ano ang naisukli natin sa ating kapaligiran. Ano ang iginanti natin sa kanya kapalit ng ibinibigay nitong mga benepisyo sa atin.? Dahil tiyak ang pag-ani natin nito sa pagdating ng araw. Ano ba ang kaya nating gawin kahit na ito ay simpleng pagtugon lamang? Diba’t napakasarap mabuhay sa napakagandang mundo kaya’t

sana

ay magtulung-tulungan tayo. Aminin natin na ayaw nating maglaho ang mga yamang ito ng ating bansa, ng ating mundo.. kaya kumilos tayo.. sagipin natin ang nagsusumamo nating mundo. Kailangan tayo ng ating kapaligiran…. Ng ating mundo.

1 comment: